Friday, July 31, 2009

PAALAM, PANGULONG CORY AQUINO


Malungkot na inanunsyo ni Sen. Noynoy Aquino ang payapang pagpanaw ng kanyang ina na si Dating Pangulong Corazon Aquino bandang 03:18 ng madaling araw sa respiratory cardiac arrest.

Habang dinadasal ng pamilya Aquino ang ika-limang misteryo ng Santo Rosaryo sa kwarto ng dating Pangulo sa Makati Medical Center, ganap itong bumigay sa pakikipaglaban sa Colon Cancer.

Inatasan naman ng mga naulila ni Tita Cory ang TV Host na si Boy Abunda na siya munang humarap sa Media. Nananatili namang matatag ang buong pamilya ng Dating Presidente sa kabila ng pagpanaw nito.

Kung inyong matatandaan, inilabas ng pinoyPEP ang balita galing sa isang mapagkakatiwalaang source tungkol sa kalagayan ni Tita Cory at sa kanyang pakikibaka sa Colon Cancer. Sinabi ng source na isang linggo na lang ang itatagal ng Dating Pangulo. Hindi nga nagkamali ang aming source. Isang linggo mula nang una naming isulat ang tungkol sa balitang iyon, pumanaw na si Cory Aquino.

Sa kabila ng walang patid na panalangin at atensyong medical, hindi pa rin nakayanang labanan ng Dating Pangulo ang nakamamatay na sakit.

Si Cory ay nagsilbing larawan ng katatagan sa Sambayanang Pilipino. Siya ang bumuhay ng demokrasya sa bansang Pilipinas matapos paslangin ang kanyang asawang si Sen. Ninoy Aquino.

Walang humpay ang pagdadasal ni Cory para sa kapayapaan ng ating Republika. Kasama rin si Cory sa mga kilos protesta laban sa mga mababahong alingawngaw ng maruming kulay pulitika.

Sa kanyang paglisan, hindi malilimutan ng bansang Pilipinas ang kanyang malaking kontribusyon sa pagbuhay na muli ng Kalayaan. Mananatili si Cory Aquino na imahe ng katatagan at pagkakaisa.

Sa kanyang mapait na laban sa Colon Cancer, pinatunayan lamang na hanggang sa huli, mabigat pa rin ang hamong ibinato ng tadhana sa kanya.

Ipinaaabot ng pinoyPEP ang taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ni Pangulong Corazon Aquino.

Sa mga sandaling ito, isang pribadong pagtatanod ang ginagawa ng mga pamilya ni Cory sa The Heritage Park, Taguig.

No comments: